Sa pagbaba ng itim na telon ng kalawakan
matahimik ang pagsisiyasat ng mga matang may agam-agam…
Tila putol ang tulay ng mga salitang binibigkas ng bawat nilalang
Ang buwan at mga bituin ang siyang saksi sa mga pangyayari…
Nais mang sumigaw ng mga labi,
Naisin mang tumakbo ng mga paa,
tanging ang pagyuko ng ulo’t pagkuyom ng palad
ang siyang nagawa…
Hindi na nga ba talaga kaya ng pang-unawa?
Paano pa kaya muliing makikita ang pagsikat ng Haring Araw
kung ang oras ay nauubos sa kadiliman ng gabi?
Samantalang sa pagdating pa lamang ng bukang-liwayway…
ipipinid na ang mga mata…
Kung tutulo ang luha…
Mabubuhay kaya?



