Sa Kalawakan na aking Daanan
Sa pag-ikot ng oras, sa pagligid ng mga planeta sa araw, naglipana ang mga nagsasabwatan sa pagkabuhay ng mga tala… ’sanlibong paraan sa paghahanap ng bawat nilalang na dapat makita malihim ang mga salitang ibinibigkas nila kung kaya hindi mawala sa ulirat… Kay daming mga bagay ang sa isipa’y hinahalungkat pare-pareho lang sila, nagbibigay ng mga katagang mapag-adya… sa panahong iginugol sa pagsilip sa butas ng kalangitan wala man lamang nakitang landas o lagusan na maaaring pagdaluyan… Minsan kinausap ko ang buwan, itinanong ko kung anong dapat paniwalaan… ang nakikita ba o nararamdaman? Ngunit, ni tunog man lamang ng kaniyang hininga ay hndi ko narinig… Pati ang buwan natuto nang maglihim sa’kin… Masdan mo ako sa kalawakan, maglalakad sa ibabaw ng mga planetang daanan may dugo sa dibdib nkatarak ang punyal… Wala akong kasalanan subalit sinaksak ng nilalang na hindi ko alam mauubos na ang dugo, butas ang puso…. Pag-ibig, Panalangin, Tiwala, Pag-asa…. Muli na namang na-ulinigan mula sa kailaliman ng aking sisidlan ng gunita Bakit pa? Kapalaran ba ng mga tala? Sino ang dapat managot? Buwan o Araw ba? Lumang bagay pa rin ang katanungan… Walang sagot… walang awa… Sa dulo ng kalawakan doon ako tumungo, nagpahinga habang tumatagas ang dugo kung papaslangin din lang sana’y wag punyal ang itarak, o hindi kaya’y nilagyan ng lason ang matalim na punyal Nang sa pagpinid ng mga mata hindi na magising pa… Tala at Bituin… Pare-pareho lang talaga… Huwag mo nang abutin… huwag mo nang isipin… sa’yong aklat siguradong matatala, hindi na makukuhang mabura… kamatayan lamang ang nakahanda… Tulad ko, nilinlang… nandito at paubos na ang hininga… Kung hindi na lang sana naglakbay pa…
July 24, 2009 at 12:38 pm
oi tati! good job man! woohoo!